Ang mensaheng ito ay binasa ni Christine Bellen-Ang noong inulunsad ang kanyang librong Ang Mahiwagang Bantay ng Bundok Arayat, isang muling pagsasalaysay ng isang kuwentong-bayan ni Severino Reyes (na mas kilala sa kanyang non de plume na Lola Basyang), sa UP-Baguio Library noong 15 February 2024.
Napakaraming kuwentong salimbibig o oral tungkol sa pagkaka-engkanto nating mga tao. Na-engkanto sa bundok, gubat, puno, dagat, at sa mga kakaibang lunan. Naalala ko ang kuwento ng aming pamilya sa Bicol. Isa sa mga panganay na kapatid ng aking ama, ang aking Tiya Margarita o Titang na siya raw pinakamaganda sa 10 magkakapatid (hindi ko na inabutan) ay maagang namatay noong nagsisimula pa lamang sa kanyang buhay-pamilya. Ang kuwento, na-engkanto siya at kinuha ng mga engkanto matapos niyang maligo sa bukal ng tubig na malapit sa kanilang bahay. Nakatira sila sa “ibong” o sa kabilang bundok patawid ng dagat. Hanggang ngayon ilan sa mga kamag-anak namin ang naniniwala pa ring buhay ito lalo na’t pinagtibay ng isa pang kuwento matapos mailibing ang aking tiyahin. Ang kanyang asawa na si Rafael o Tiyo Paeng siya namang nawala noon. Makalipas ang isang linggo ay natagpuan itong nakahilata sa may kanal at maruming marumi. Sa salaysay nya, nakipagkita siya sa kanyang asawang si Titang sa daigdig ng mga engkanto. Nakikiusap siyang pauwiin na ito dahil maliliit pa ang kanilang mga anak. Sa gitna ng negosasyon, inanyayahan raw siyang kumain ng mga engkanto sa isang tila piging na napakaraming masasarap na pagkain. Dito niya nakita ang kaning kulay itim. Naalala niya ang sabi ng matatanda na kapag kinain iyon ay hindi na makababalik sa ating daigdig kaya’t hindi niya kinain ang kaning itim. Matapos noon ay hindi na nya alam ang mga sumunod na nangyari. Dun na siya natagpuan ng kanyang mga kanayon sa gilid ng kanal. Walang makapagsabi kung totoo ang mga nangyaring ito. Malamang na namatay ang tiyahin ko sa pagkakasakit samantalang kilala namang lasenggero ang aking tiyuhin na maaari ring dahilan kung bakit sa gilid ng kanal siya natagpuan. Bagama’t hindi namatay sa aming pamilya ang bersyon ng kuwento ng kanilang pagkaka-engkanto dahil na rin marahil, ito na ang pinakamabisang paraan upang papaniwalain ang aming pamilya sa pag-asang buhay pa si Margarita.
Sa mga kuwento ng pagkakaengkanto, mayroon itong padron lagi. Nawawala ang tauhan, napupunta sa ibang dimensyon ng oras at espasyo, at sa pagbabalik niya, ang inaakalang maikling oras ng paglisan ay napakahaba na pala. Ganito ang pagka-engkantong nangyari kay Oke sa kuwento. Napunta siya sa iba’t ibang bundok tulad ng Arayat, Makiling, at Banahaw. Dito niya nakilala ang mga diwatang sina Sinukuan, Makiling, at Banahaw. Nang maalimpungatan sa pagkaengkanto ay saka lamang niya naalala ang inang iniwan sa kanilang bahay. Ngunit sa kanyang pagbabalik sa sariling lugar ay napagtanto niyang may isandaang taon na pala ang nakalilipas. Kaya’t sa orihinal na kuwento ni Severino Reyes o Lola Basyang, pinamagatan niya itong “Ang Mahiwagang Pagkalibang.” Nalibang si Oke sa paglalakbay at naengkanto sa magagandang diwata kaya’t hindi namalayang iba na ang oras at panahon sa mga napuntahan. Sa kuwento ni Reyes, nagtuon ito ng pansin sa pagkahalina ni Oke sa mga diwata. Napakaganda ng kanyang naratibo ukol rito. Ngunit nagdesisyon ako na sa aking muling pagsasalaysay ay una, maging tagapagpaalala ito sa mitong pamilyar sa maraming taga Pampanga at sa mga Filipino may alam sa local lore na ito, kaya’t pinamagatan ko itong ‘Ang Mahiwagang Bantay ng Bundok Arayat.” Ikalawa, inisip ko rin kung ano ang maaari pang higit na mabigat na dahilan sa kanyang pagbabalik sa bundok nang matuklasan niyang nagbago na ang mundong iniwanan niya dati. Nais kong si Oke na naging saksi sa panahon at daigdig ng mga diwata ng bundok na siya namang tunay na nawili, nahalina, at naengkanto sa ganda at yaman ng kalikasan ay maging saksi rin pagkawasak ng mga bundok sa kasalukuyan. Ito ang magiging dahilan ko kung bakit niya pipiliing mamundok. Bantayan at ipagtanggol ang mga kaibigan sa pagdusta ng mga tao sa kalikasan. At kung dadagdagan ko pa ang kuwento, maaaring sa mga panahong hindi namamataan ang bantay sa bundok Arayat ay maaaring nagtutungo pa rin ito sa Makiling, Banahaw, at sa iba pang mga bundok ng ating bayan.
Kung tatawirin natin ang ating realidad sa kasalukuyan, naging archaic na ang salitang
naengkanto. Nagiging atribusyon na lamang ito sa mga pamahiin, superstisyon, at sa
matatandang kuwento. Bagama’t patuloy pa rin tayong naeengkanto sa kasalukuyan, hindi na tayo nadadala sa ibang dimensyon ng daigdig, panahon, at espasyo kundi agaran na ang epekto nito sa atin. Hindi na rin tayo naengkanto sa mga mahikal o sa mga preternatural ng mga tauhan kundi sa mga politikong corrupt at sa mga manlilinlang na nais makaisa sa kapwa. Ang pagkalimot, ang pagkawala sa sarili dahil sa pagkahumaling, at mas malala ay ang pagkawala ng sariling huwisyo, at katwirang matwid ay Sa ganito, pinangangalanan nating budol o nabudol ang ating pagkaengkanto. Nabudol tayo sa 20 pisong kilo ng bigas, nabudol tayo sa pangako ng isang bagong Pilipinas. Kaya’t nalimutan natin na may ina/inang bayan tayong kinakalinga. Sa ganito hindi natatapos ang tawag ng bundok na kapag binalikan sa kasaysayan ng pananakop ay kanlungan ng mga tinaguriang bandoleros, brutos salavajes, ang mga katutubong ayaw pasakop, at ang mga rebelde. Nasa atin na ngayon ang pagtugon sa bundok, at sa ating mga simbolikong bundok kung paano natin ito babantayan at poprotektahan.
Comments